Shared posts

16 Dec 06:05

Vitamins Pampataba: Kailangan Bang Bumili Nito Sa Botika Para Tumaba?

by Isko Flores

Ang mga bata ay kadalasang mapili sa mga pagkain. Hindi mo masasabi kung kakainin ba nila ang iyong ihinanda o hindi. Ang mga batang nasa isa hanggang apat na taong gulang ay kasalukuyang nag dedevelop ng kanilang mga gusto na kadalasang nakaaapekto sa gana nila sa pagkain. Ang kakulangan sa mga bitamina at miniral ay nakaaapekto rin sa kanilang gana sa pagkain. Ang bagay na ito ay isa sa mga pangamba ng mga magulang na tulad mo. Karamihan sa mga magulang ay magkukumahog sap ag bili ng vitamins pampataba, na nag aakalang ito ay magigi epektibo sa pagpapalakas ng gana sa pagkain ni baby.

Bagaman karamihan sa mga magulang ay nagbibigay ng mga vitamin supplements sa kanilang mga anak, walang matibay na batayan na ang pagbibigay ng ganitong mga produkto ay nakakatulong nga upang palakasin ang gana sa pagkain ng kanilang mga anak. Sa katunayan, ang sobrang doses ng mga sintetikong bitamina na nabibili sa botika ay maaaring maging sanhi ng labis na katabaan o kaya ay paglala ng problema sa kakulangan ng timbang, depende sa baby na pinapainom.

Bilang magulang, ano ang magagawa mo para maging magana sa pagkain si baby? Pakainin mo siya ng mga pagkaing may natural na vitamins pampataba!

Mga pagkaing may natural na vitamins pampataba

Dahil sa ang pagbibigay ng mga vitamin supplements ay mapanganib lalo na kung hindi naman irinireseta ng mga doktor, ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa vitamins pampataba ay ang pinaka malusog na pagpipilian para maging magana sa pagkain ang iyong anak. Narito ang ilan sa mga pagkaing mayaman sa vitamins pampataba sa baby.

Vitamin B-12

Ang vitamin B-12 na kilala rin bilang cobalamin, ay tumutulong sa katawan nag awing enerhiya ang pagkain, na tinutunaw ang mga taba at protina upang maging kapakipakinabang na mga kemikal sa katawan. Ang bitamina B-12 din ang nagpapanatili ng kalusagan ng atay, buhok at balat. Ang kakulangan sa bitamina B-12 ay pangkaraniwan sa mga batang uminom ng gatas ng ina. Sa katapusan ng yugto ng pagiging sanggol, ang mga bata na kulang sa bitamina B-12 ay maaaring kakitaan ng matumal na paglaki, kahinaan ng nervous system, at kahinaan sa pagkain. Ayon sa mga dalubhasa, ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa bitamina B-12 ay nakakatulong mag palakas ng gana sa pagkain sa mga batang kulang nito. Ang mga pagkain tulad ng itlog, mga produktong gawa sa gatas, karne ng baka, isda at karne ng baboy ay mayaman sa bitamina B-12.

Zinc

Ang Pangunahing sintomas ng kakulangan sa zinc ay ang kawalan ng gana sa pagkain. Ang kalungan sa zinc sa murang edad ng bata ay maaaring maging sanhi ng mabagal na paglaki, kawalan ng panglasa o pang amoy, problema sa balat at matagal na paggaling ng mga sugat. Kung ang kakulangan sa zinc ay hindi malunasan at umabot sa pagdadalaga at pagbibinata, ito ay maaaring maging hadlang sa sekswal nap ag unlad ng katawan. Ilan sa mga kakayahan ng zinc ay ang pagbalanse ng mga asido sa katawan, pagtunaw ng mga protina at carbohydrates at pagpasigla sa mga selula ng katawan. Mayaman sa zinc ang mga pagkaing tulad ng mga beans, keso, karne ng manok, pulang karne at mga butil.

Vitamin D

Ang bitamina D ay responsable para maabsorb ng katawan ang zinc, calcium, iron, magnesium, vitamin A at phosphorus na nakukuha sa mga pagkaing mayaman sa mga ito. Kung ang katawan mo ay hindi nag aabsorb ng zinc o alin man sa mga nabanggit, maaaring magkaroon ng kakulangan sa bitamina at mineral na maaaring maging sanhi ng matinding pagkahapo at kawalan ng gana sa pagkain. Ang kakulangan sa bitamina ay madalas sa mga batang may lactose intolerance. Ang pag inom ng gatas na may dagdag na bitamina D ang pangunahing mapagkukunan nito. Kung ang iyong anak ay lactose intolerant, makakakuha ng bitamina D sa bahagyang pagbibilad sa araw, pagkain ng isda, itlog o orange juice. Ang pinananatiling malusog ng bitamina D ang mga kidney at pinalalakas ang mga buto.

Piliin ang mga ihahain para ganahan sa pagkain

Ngunit paano nga makakakuha ng mga mga bitaminang pampaganang kumain, kung ayaw namang kumain si baby? Ang totoo, may magagawa ka para bahagyang ganahan siya sa pagkain. Kung palaging walang ganang kumain ng mga bagong pagkain ang iyong anak, maupo ka at ilista ang mga pagkaing alam mo na gustong kainin ng anak mo, piliin lamang ang mga pagkain na masusustansiya. Gumawa ng meal plan para kay baby base sa mga pagkaing paborito o kinakain niya. Mapapansin mo na mas gusto niyang kumain kung ang mga nakahain ay paborito niya. Kung talagang mapili sa pagkain ang iyong anak, ang mga maihahain mo ay maaaring maging limitado at paulit ulit lamang. Subalit habang tumatagal, kramihan sa mga batang mapili ay nagiging normal din pagdating sa pagkain habang lumalaki, kung unti unti siyang pinapakain ng mga pagkaing bago sa kanyang panlasa.

Siguruhing nakapag-eehersisyo siya ng tama

Sa nakaraang mga henerasyon, ang mga bata naglalaro ng maraming oras sa labas ng bahay, na gumagamit ng napakaraming lakas sa mga pisikal na gawain. Ngayon, ang mga bata ay mas pinipiling manood na lamang ng TV o maglaro ng mga video games sa kanilang mga cellphone o tablet. Ayain mong maglaro ang iyong anak para mapalakas ang gana sa pagkain. Nangangailan ng 60 minutong laro ang bawat bata araw araw para maging magana sa pagkain at malayo sa sakit. Ang pakikipaglaro sa mga kapwa bata, pagsakay sa bisekleta at ibang pisikal na mga laro ay makatutulong para makakuha siya ng sapat na ehersisyo. Mapapansin mo na dahil lamang sa sapat na ehersisyo, unti unting dadami ang kaniyang mga kinakain.

Piliin ang mga pagkaing mayaman sa kaloriya para tumaba

Kung nahihirapan ka sa pagpapalakas ng gana sa pagkain ng iyong anak, subukang magpakain ng mga pagkaing mayaman sa kaloriya, para hindi na siya kailangang piliting kumain ng marami. Subukang magpakain ng mga pagkaing mayaman sa kaloriya tulad ng abocado shake o yoghurt. Ang pagkain ng mani o peanut butter ay makatutulong din na makuha niya ang kaloriya na kailangan ng kanyang katawan, kahit hindi siya umiinom ng artipisyal na mga vitamins pampataba. Mag research ng mga pagkaing mayaman sa kaloriya na posibleng magustuhan ng iyong anak.

16 Dec 06:05

Sintomas ng Colon Cancer: Mga Dapat Malaman Tungkol sa Kanser sa Bituka

by Jejomar Rivera

Ang colon cancer ay isang uri ng sakit sa large intestine o colon, ang ibabang bahagi ng iyong sistemang panunaw. Ang rectal cancer naman ay kung ang kanser ay matatagpuan sa huling apat na pulgada ng bituka. Ang sakit na ito ay kadalasang tinatawag na colorectal cancer.

Sa maraming mga pagkakataon, ang kanser sa bituka ay nagsisimula bilang maliit, hindi cancerous na bukol na tinatawag na adenomatous polyps. Pagdaan ng panahon, ang iba sa mga polyp na ito magiging colon cancer.

Ang polyp ay maaaring maliit at nagpapalabas ng kakaunting mga sintomas, kung meron man. Sa dahilang ito, maaaring mag rekomenda ang iyong doktor ng regular na pagsusuri para maiwasan ang kanser sa bituka sa pamamagitan ng pagkilala at pagtanggal sa polyp bago paman ito maging kanser sa bituka.

Sintomas ng colon cancer

Anu-ano ang mga sintomas ng kanser sa bituka? Malamang na may kanser sa bituka ka kapag ikaw may mga sintomas na katulad ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng pagbabago sa iyong pagdumi, pagtatae o kahirapan sa pagdumi. Biglaang pagbabago sa itsura ng iyong dumi.
  • Pagdurugo ng puwet, pagkakaroon ng dugo sa dumi
  • Madalas na pagsakit ng tiyan, paghilab, kabag at iba pa
  • Panghihina o pagkahapo
  • Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang

Maraming mga pasyente na may colon cancer ang hindi nakaranas ng mga sintomas sa unang yugto ng kanilang karamdaman. Kapag ang sintomas ay lumitaw, kadalasan nang malala na ang kanilang sakit. Subalit ito ay depende naman sa laki at lokasyon ng cancer.

Kailan dapat magpatingin sa doktor

Kapag nakakita ka ng mga sintomas ng colon cancer, halimbawa, pagkakaroon ng dugo sa dumi o pagkakaroon ng pagbabago sa dumi, kailangan mong magpatingin sa iyong doktor.

Makipagusap sa doktor tungkol sa kung kailan ka dapat magsimula ng iyong mga pagsusuri para sa colon cancer. Ang mga guidline ay nagsasabi na ang mga taong mahigit 50 ay kailangang magpatingin para sa colon cancer. Ang iyong doktor ay malamang na magrekomenda ng mas madalas o mas maaagang pagsusuri kung mayroon ka ng mga salik sa pagkakaroon nito, tulad ng pagkakaroon ng kamag anak na may kanser sa bituka.

Sanhi ng colon cancer

Sa kadalasan, hindi malinaw kung ano ang sanhi ng kanser sa bituka. Subalit alam ng mga doktor na ang colon cancer ay nangyayari kung ang malusog na mga selula sa bituka ay magkaroon ng pagkakamali sa kanilang DNA.

Ang malusog na mga selula ay lumalaki at nahahati sa maayos na paraan para mapanatiling malusog ang katawan ng tao. Kapag ang DNA ay nasira at selula ay maging cancerous, ito ay patuloy parin sa pagpaparami, kahit pa hindi naman kailangan ng bagong mga selula. Habang dumarami ang depektibong mga cells, nabubuo naman ang tumor.

Sa paglipas ng panahon, ang cancer cells ay lalong dumarami habang sinisira ang malusog na mga tissues na malapit sa kanila. Ang cancerous cells ay may kakayahang maglakbay sa iba pang bahagi ng iyong katawan.

Ang pagkakaroon ng namanang sakit sa genes ay maaaring magpalaki ng posibilidad na ikaw ay magkaroon ng colon cancer. Ito ay maaaring maipasa pasa sa mga pamilya, subalit kakaunting porsyento lamang nito ang nauuwi sa kanser sa bituka. Ang minanang gene defects ay hindi naman ginagawang hindi maiiwasan ang cancer, pinatataas lamang nito ang posibilidad na magka-cancer ka.

Ang pagkain at ang colon cancer

May mga pag-aaral na isinagawa na nagsasabing ang pagkain ng pangkaraniwang pagkaing pinoy ay nagpapataas din sa posibilidad ng colon cancer. Ang pagkaing pinoy ay karaniwan nang mataas sa taba subalit mababa sa fiber.

Kapag ang isang tao na nanggaling sa lugar na kung saan ang pagkain ay mataas sa fiber at mababa sa taba ay lumipat sa isang lugar na ang pagkain ay mayaman sa fats subalit salat sa fiber, ang posibilidad na siya ay magkaroon ng kanser sa bituka ay lubhang tataas. Hindi malinaw kung bakit ito nangyayari, subalit pinag-aaralan naman ng mga mananaliksik kung ang mataas na taba, mababa sa fiber na pagkain ay nakakaapekto sa mga mikrobyo na nakatira sa tiyan ng tao, o kaya ay siyang sanhi ng pamamaga na maaaring makadagdag sa panganib na magka kanser. Ang usaping ito ay kasalukuyan pang pinag-aaralan ng mga dalubhasa.

Panganib na magka colon cancer

Ikaw ba ay nangangambang magka kanser sa bituka? Narito ang ilang mga sitwasyon na nagpapataas ng posibilidad na magka colon cancer ang isang tao.

Matandang edad. Karamihan sa mga taong may colon cancer ay mas matanda na sa 50. Pwede itong lumitaw sa mga mas bata pa, subalit minsan lamang nangyayari na ang isang taong nasa kabataan ay magkasakit nito.

Pagkakaroon ng colorectal cancer o polyp. Kapag dati ka nang nagkaroon ng colon cancer o ng polyp, mas malamang na tamaan ka ulit nito sa hinaharap.

Kamag-anak na nagkaroon ng kanser sa bituka. Mas malamang na magkaroon ka ng colon cancer kung ang mga magulang mo o mga kapatid o mga anak na may colon cancer. Mas mataas ang posibilidad na magka-kanser sa bituka ka kung ang mga kamag-anak mo ay meron din nito.

Pagkain ng matataba. Ang colon cancer ay maaaring iugnay sa pagkain ng diyetang mababa sa fiber at mataas sa taba at calories. Ang mga pagsusuri sa paksang ito ay may sari-saring resulta. May mga pag-aaral na nag sasabing ang mga taong mahilig kumain ng pulang karne at mga de lata ay mas nanganganib na magka-colon cancer.

Kakulangan sa ehersisyo. Kung kulang ka sa ehersisyo, mas nanganganib ka na magkaroon ng colon cancer. Ang pagkakaroon ng regular na ehersisiyo ay nagpapababa ng panganib na magkaroon ng sakit sa bituka.

Diabetes. Ang mga taong may diabetes at iba pang sakit na may kaugnayan sa insulin ay mas nanganganib na magka kanser sa bituka.

Labis na katabaan. Ang mga taong malabis ang katabaan ay nanganganib na magkaroon ng kanser sa bituka at mas malamang na ikamatay nila ito kumpara sa mga ataong normal ang timbang.

Paninigarilyo. Ang mga taong naninigarilyo ay mas nanganganib na magka-colon cancer kaysa sa mga hindi naninigarilyo.

Pag inom ng alak. Ang mga taong umiinom ng alak ay mas nanganganib na magka-colon cancer kaysa sa mga hindi umiinom.

Radiation therapy para sa cancer. Ang pagsasailalim sa radiation therapy sa tiyan para gamutin ang cancer ay maaaring magpataas ng panganib na magka kanser sa bituka ang pasyente.

16 Dec 06:05

Sintomas ng Cervical Cancer – Mga Bagay na Dapat mong Malaman

by Jejomar Rivera

Ang cervix ay ang bahagi sa ibaba ng matris na bumubukas sa ari ng babae. Nagkakaroon ng cervical cancer kapag ang ang mga abnormal na cells ng cervix ay hindi napigilan ang pagkalat. Isang dahilan din ng pagkakaroon ng cervical cancer ay ang Human papillomavirus o HPV na naipapasa sa pagtatalik. Hindi naman lahat ng uri ng HPV ay nagreresulta sa cervical cancer.

Maraming babae ang naapektohan ng sakit na ito. Isa ito sa mga nangungunang karamdaman ng mga babae na maaaring maging sanhi ng kamatayan. Ayon sa ilang isinagawang pagsasaliksik, ang cervical cancer ay kaya nang gamutin kapag naagapan at maagang napakonsulta. Kailangang malaman ng mga babae ang mga sintomas ng cervical cancer upang mas mabilis itong mapakonsulta at hindi na lumala.

Ano ang mga sintomas ng cervical cancer?

Kadalasan na walang sintomas ang cervical cancer kapag ito ay nagsisimula pa lamang. Lumalabas na ang mga sintomas kapag kumalat na ang cancer cells sa itaas na bahagi ng cervix. Dahil dito, napakahalaga ng pagsasagawa ng mga eksaminasyon gaya ng Pap smear test upang malaman kaagad at madaling maagapan ang nagsisimula pa lang na cervical cancer. Narito ang mga sintomas ng cervical cancer:

  • Pagdurugo- Ang pagdurugong ito ay maaaring mangyari sa kahit na hindi pa dinadatnan ng regla o kaya ay pagkatapos makipagtalik. Minsan, ang lumalabas ay pluwidong may halong dugo na kadalasang tinatawag na spotting. Ang pagdurugo ay nararanasan din ng mga babaeng tumigil na sa pagregla. Kapag nangyari sayo ang hindi na normal na pagdurugo, agad na ipakonsulta ito sa doktor dahil maaari itong sintomas ng cervical cancer.
  • Pluwido mula sa ari- Nakakaroon ang isang babaeng may cervical cancer ng hindi normal na pluwidong lumalabas sa ari. Hindi na ito normal kapag ang pluwido ay maputi, malinaw, kulay tsokolate,parang tubig, mabaho o may bahid ng dugo.
  • Pagkaramdam ng sakit habang nagtatalik- Isa ito sa mga sintomas ng cervical cancer na nagsisimula pa lang. Madalas ay may kasama itong pagdurugo pagkatapos ng pagtatalik.
  • Masakit na likod at balakang- Isa ito sa mga sintomas ng cervical cancer na nararanasan lamang kapag mas lumala na ito.
  • Hirap sa pag-ihi at pagbawas- Nakakaramdam ng sakit sa pag-ihi at pagbawas ang sinumang may cervical cancer.
  • Pamamaga ng hita- Isang senyales din ito ng pagkakaroon ng cervical cancer.
  • Sobrang pagkapagod- Kapag may malalang kondisyon ng cervical cancer ang isang babae, madalas siyang makakaranas ng sobrang pagkapagod o overfatigue.
  • Pagbawas ng timbang- Ang biglaang pagbabawas ng timbang ay senyales na may impeksyong iniinda at lumalala na ang iyong cervical cancer. Isa din itong sintomas ng cervical cancer na nararamdaman kapag hindi nagamot agad ang impeksyon.

Ano ang mga risk factors ng pagkakaroon ng cervical cancer?

Maraming bagay ang maaaring maging dahilan upang ang isang babae na magkaroon ng cervical cancer. Narito ang ilang bagay na nagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon nito:

  • Human papillomavirus o HPV- Hindi lahat ng HPV ay nadudulot ng cervical cancer ngunit may umabot 13 uri ng HPV na nagreresulta dito. Ang virus na ito ay naipapasa sa pamamagitan ng pagtatalik.
  • Paiba-ibang sex partner- Ang HPV ay mas madalas nakukuha ng mga taong marami nang naging sex partner. Minsan ay hindi namamalayan na may impeksyon pala ng HPV ang iyong sex partner. Kapag nahawaan ng impeksyon ng HPV ang babae, maaaring mauwi ito sa cervical cancer.
  • Paninigarilyo- Nagpapataas ito ng posibilidad ng pagkakaroon ng maraming uri ng kanser kabilang na ang cervical cancer.
  • Mahinang immune system- Madalas na nagkakaroon ng cervical cancer ang mga babaeng mahina ang immune system dulot ng sakit na HIV/AIDS o kaya ay umiinom ng mga immunosuppressive na mga uri ng gamot.
  • Matagal at malubhang stress- Nahihirapang lumaban sa HPV ang humihinang immune system ng mga babaeng nakakaranas ng matagal at malubhang stress. Dahil diyan, tumataas ang kanilang posibilidad na magkaroon ng sakit kabilang na ang cervical cancer.
  • Maagang pagbubuntis- Ayon sa mga pananaliksik, ang mga babaeng nagsimulang magbuntis sa edad na 17 pababa ay may mas mataas na risgo ng pagkakaroon ng cervical cancer kaysa sa mga babaeng nagbuntis noong 25 taong gulang pataas na sila.
  • Pagkakaroon ng maraming anak- Ang mga babaeng may mahigit sa tatlong anak ay may mas malaking posibilidad na magkaroon ng cervical cancer kaysa sa mga babaeng walang anak at hindi nakaranas ng pagbubuntis.
  • Paggamit ng pills- Ang pangmatagalang paggamit ng pills ay nagpapataas ng kaunti sa risgo ng pagkakaroon ng cervical cancer.
  • Pagkakaroon ng STDs- Ang STD o Sexually Transmitted Diseases katulad ng chlamydia, gonorrhea at syphilis ay nagbibigay ng mas mataas na posibilidad ng pagkakaroon ng cervical cancer.
  • Edad- Habang mas tumatanda ang babae ay tumataas din ang posibilidad niya ng pagkakaroon ng cervical cancer. Nagsisimulang tumaas ang risgo kapag ang babae ay nasa 20 taong gulang pataas. Ang mga babaeng nasa 40 taong gulang pataas ay kailangang regular na magpakonsulta sa doktor at sumailalim sa Pap smear test at HPV test.
  • Lahi- Mas mataas ang risgo ng mga babaeng nasa lahing Black, Hispanic at American Indian.
  • Pagkakaexpose sa diethylstilbestrol (DES)- Ang mga batang naexpose sa DES noong sila ay ipinagbubuntis pa lang ng kanilang nanay ay mas mataas ang risgo ng pagkakaroon ng cervical cancer sa kanilang paglaki. Ang DES ay ibinibigay sa nanay upang maiwasan na makunan. Nalaman ang masamang naidudulot nito sa bata kaya inihinto ang pagrereseta nito.

Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng HPV at cervical cancer?

Dahil parami na ng parami ang nagkakaroon ng cervical cancer, kailangan nating malaman kung paano ito maiiwasan. Ika nga,”prevention is better than cure”. Ito ang mga bagay na makakatulong upang mabawasan ang tsansa ng pagkakaroon ng cervical cancer:

  • Palagiang pagpapakonsulta- Kailangan na regular ang pagpapakonsulta sa doktor at pagpapaeksamin upang malaman kaagad kung may sintomas ng cervical cancer. Sa ganong paraan, maaagapan ang paglala ng karamdaman at magagamot ito agad. Ang Pap test ay ginagawa upang malaman kung may abnormalidad sa mga cells sa cervix ng babae. Kung may makitang abnormalidad, gagamutin agad ito upang hindi mauwi sa kanser.
  • Pagpapabakuna- Ang bakuna ay para labanan ang HPV na kadalasang sanhi ng cervical cancer. Ito ay binibigay sa mga babaeng 9 hanggang 26 taong gulang. Mas mabisang magpabakuna bago pa magsimulang makipagtalik ang isang babae. Kahit ang mga lalaki ay maaari ding magpabakuna laban sa HPV dahil sila ang kadalasang may dala ng virus na ito.
  • Ugaliin ang safe sex- Ang paggamit ng condom sa pakikipagtalik ay nakakatulong ding maiwasan ang pagpasa ng HPV.
  • Huwag ugaliin ang pagkakaroon ng maraming sex partner- Kapag mas maraming nakatalik ang babae, mas malaki ang tsansa ng cervical cancer.
  • Huwag munang makipagtalik sa murang edad- Ipagpaliban muna ang pakikipagtalik. Huwag magmadali sa bagay na ito. Kapag mas maaagang nakipagtalik ang babae, mas may posibilidad na magkaroon siya ng cervical cancer.
  • Iwasan ang paninigarilyo- Makakatulong ito na maiwasan ang anumang uri ng kanser kabilang na ang cervical cancer.
16 Dec 06:05

Sintomas ng Myoma: Mga Paraan Para Matukoy ang Myoma

by Jejomar Rivera

Ang myoma ay isang bukol na namaumuo sa loob ng matris kapag ang isang babae ay nasa edad na pwede pa siyang magbuntis at manganak. Ang myoma ay kadalasang hindi naman nauuwi sa kanser.

Ang myoma ay maaaring maging kasing laki ng buto ng mga pananim. Ito ay hindi nakikita ng walang gamit na aparato. Maaari itong tumubo ng sama-sama anupa’t pwede nitong mabago ang itsura ng matris. Pwede kang magkaroon ng isa o higit pang myoma sa matris mo. Sa malalang mga kalagayan, ang kumpo-kumpol na myoma ay kayang magpalaki sa matris na maaaring umabot sa iyong rib cage!

Marami sa mga kababaihan ang nagkakaroon ng myoma minsan sa kanilang buhay. Subalit karamihan sa mga babae ay hindi alam na sila pala ay may myoma dahil ito ay kadalasang nariyan kahit wala namang sintomas. Ang iyong doktor ay siyang aksidenteng makakita nito kapag ikaw ay sumailalim sa mga pagsusuri tulad ng pelvic exam o ultrasound.

Mga sintomas ng myoma

Marami sa mga kababaihan ang may myoma sa matris subalit walang makikitang sintomas. Sa mga babae na may sintomas, ito ay maaaring nagkakaiba-iba depende sa lokasyon, laki at dami ng bukol.

Ito ay ilan lamang sa mga sintomas ng myoma:

  • Malakas na daloy ng regla
  • Pagkakaroon ng regla na hindi bababa sa isang linggo
  • Pananakit ng balakang
  • Palagiang pag-ihi
  • Kahirapan sa pagdumi
  • Pananakit ng likod at mga binti

Kailan ba dapat magpatingin sa doktor ang mga pasyenteng may myoma?

  • Ang pananakit ng balakang ay hindi nawawala
  • Sobrang pag agos ng dugo tuwing regla
  • Pagkakaroon ng spotting o bleeding kahit hindi naman regla

Makipagkita agad sa doktor makita ang ganitong sintomas ng myoma at kung masyadong malakas ang paglabas ng dugo at may pabigla biglang matinding panankit ng balakang na nagmumula sa loob.

Sanhi ng myoma

Hindi alam ng mga doktor ang eksaktong sanhi ng pagkakaroon ng myoma, subalit ang resulta ng mga pananaliksik ay bahagyang nagpapakita na ang mga sumusunod ay siyang salik sa pagkakaroon ng myoma.

Pagbabago sa genes. Marami sa mga kaso ng myoma sinasabing nagtataglay ng kakaibang uri ng genes na hindi katulad ng nasa normal na mga selula ng matris.

Mga hormone. Ang estrogen at progesterone, ang dalawang hormone na siyang nag sasaayos ng pag laki ng matris tuwing may regla bilang preperasyon sa pagbubuntis ay sinasabing malamang na dahilan ng paglaki ng myoma. Ang myoma ay nagtataglay ng mas maraming sukat ng receptor dalawang nabanggit na hormones kaysa sa normal na selula ng matris. Ang myoma ay kusang lumiliit kapag ang pasyente ay magmenopause dahil sa kakulangan ng hormones.

Ibang pang salik ng paglaki. Ang mga sangkap o kemikal sa katawan tulad ng mala-insuling mga kemikal ay maaaring makaapekto sa paglaki ng myoma.

Naniniwala ang mga doktor na ang myoma ay tumutubo galing sa isang stem cell na malalambot na mga tissue sa matris. Ang selulang ito ay mahahati ng ilang ulit, na lumilikha ng matigas, tulad gomang tissue na kakaiba kumpara sa nakapalibot na mga tissue.

Ang paglaki ng myoma ay nag-iiba-iba: ito ay maaaring tumubo ng mabagal o mabilis, maaaring hindi lumaki. Ang ibang myoma ay limiliit ng kusa. Maraming kaso ng myoma na tumubo habang buntis ang isang babae ay lumiliit o nawawala pagkatapos ng pagbubuntis, kapag ang matris ay bumalik na sa dating sukat nito.

Sino ang nanganganib na magkaroon ng myoma?

May ilang kilalang risk factors para sa myoma, ibig sabihin, ito yung mga salik na nagsasabi kung ikaw ay mas nanganganib na magkaroon ng myoma, maliban sa ikaw ay isang babae at nasa edad na pwede nang manganak.

Narito ang ilan sa mga salik:

Pagkanamamana. Kung ang nanay o kapatid mo ay may myoma, ikaw ay mas nanganganib na magkaroon din nito.

Lahi. Ang mga babae galing sa lahing Aprikano ay mas malamang na magka myoma kumpara sa iba pang mga lahi. Karagdagan pa, ang mga babaeng itim ay nagkakaroon ng myoma sa mas bata pang edad. Sila rin ay tinutubuan ng mas malalaki at maraming myoma.

Salik sa kapaligiran. Ang maaagang pagkakaroon ng regla, paggamit ng birth control pill, katabaan, kakulangan sa bitamina D, pagkain ng maraming karne at kakaunting gulay, prutas at gatas, pag-inom ng alak, ay nagpapataas ng panganib na ikaw ay magkaroon ng myoma.

Mga komplikasyon ng myoma

Bagaman sinasabing ang pagkakaroon ng myoma ay hindi naman lubhang mapanganib, ito ay maaaring maging dahilan ng mahirap na mga sitwasyon. Ito ay maaari ring pagmulan ng mga kumplikasyon tulad ng anemia dahil sa malakas na agos ng dugo tuwing regla.

Myoma at pagbubuntis

Ang pagkakaroon ng myoma ay hindi naman sagabal sa pagbubuntis. Subalit, posible na ang myoma ay maging sanhi ng pagkabaog sa mga babae. Maaaring pataasin din ng myoma ang panganib na ikaw ay magkaroon ng mga kumplikasyon sa pagbubuntis, tulad ng placental abruption, mabagal na paglaki ng fetus at mas maaagang panganganak.

Pagsusuri sa myoma

Ang pagkakaroon ng myoma ay kadalasan nang aksidenteng natutuklasan ng doktor kapag isinasagawa ang pelvic examination. Maaaring makapa ng doktor ang kakaibang hugis ng matris, na malamang na sanhi ng pagkakaroon ng myoma. Kapag ikaw ay may ganitong sintomas, ang iyong doktor ay maaaring humiling na ikaw ay sumailalim sa iba pang mga pagsusuri tulad ng mga sumusunod.

Ultrasound. Kapag kailangang makumpirma ang hinala ng doktor, maaari siyang humingi ng ultrasound. Sa pamamagitan ng mga soundwaves makakakuha ng larawan ang aparato ng iyong matris para makita at masukat ang myoma. Ipapatong ng doktor o technician ang aparato sa iba’t ibang bahagi ng iyong tiyan para makita ang kabuuan ng iyong matris. Pwede ring ipasok niya ang transducer sa pwerta ng pasyente para makuha ng husto ang larawan ng matris.

Mga pagsusuri sa laboratoryo. Kapag ikaw ay may abnormal na pagdurugo tuwing regla, ang iyong doktor ay maaaring humiling ng karagdagan pang mga pagsusuri para malaman ang pinakang sanhi ng pagdurugo. Maaaring kasama sa mga pagsusuring ito ang complete blood count o CBC para makita kung ikaw ay may anemia dahil sa pangmatagalang pagdurugo tuwing regla. Maaaring isagawa din ang iba pang mga pagsusuri sa dugo para malaman ang sanhi ng pagdurugo at posibleng problema sa thyroid.